Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK)

Press Release: 
January 4, 2011
Contact Person: Nestor Villanueva

Oplan Bayanihan ng AFP – pambababoy sa tunay na diwa nito, ayon sa mga magsasaka

Sa pahayag ng Katipunan ng mga Magbubukid sa Timog Katagalugan (kasama-tk), mariin nitong kinundena ang bagong counter-insurgency program ng Armed Forces of the Philippines (afp) na anila’y nakatuon sa marahas na paninikil sa karapatan ng ordinaryong sibilyan lalo na sa mga maralita ng kanayunan.

“Pagsalaula sa diwa ng bayanihan ang Oplan Bayanihan ng afp,” ayon kay Nestor Villanueva, tagapagsalita ng kasama-tk.

Sa pormal na paglulunsad ng bagong counter-insurgency program noong Disyembre 21, bilang pamalit sa kontrobersyal na Oplan Bantay Laya I at II, at kasabay din ng ika-75 anibersaryo ng afp, ipinagyabang ni afp Chief of Staff Gen. Ricardo David Jr. na ang Oplan Bayanihan ang ultimong solusyon na pupuksa sa rebelyon ng mga komunista at Moro.

Ngunit ikinabahala ito ng mga magbubukid sa Timog Katagalugan sa paniniwalang hindi garantiya ang Oplan Bayanihan na lulutas sa ugat ng rebelyon, pangunahin, ayon sa kasama-tk ay ang kawalan-ng-lupa ng mga magsasaka.

“Wawasakin din nito ang tunay na diwa ng bayanihan kung saan tapat-sa-loob ang mga magsasaka na nagtutulungan,” ayon kay Villanueva at diumano’y : “Ang people-centered approach ng military ay totoong naka-sentro sa amin, pero hindi para sa kagalingan namin kundi nakatutok sa pagsira sa aming kabuhayan at pagkakaisa.”

Ibinatay ni Villanueva ang kanyang pahayag sa aniya’y mahabang rekord ng afp sa paglabag sa karapatang pantao ng ordinaryong mamamayan at mga aktibistang di-armado.

Nabalitang nitong Disyembre 23, isang aktibistang kabataan ang pinaslang ng mga kagawad ng 80th Infantry Batallion ng Philippine Army sa San Jose, Occidental Mindoro. Naganap ito sa panahong may unilateral ceasefire sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines.

“Hindi maaring pagkatiwalaan ang afp kung ganiyang hindi sila sinsero sa mga kasunduan, bukod kay Lester ay buhay-na-patunay si Darwin Liwag na nananatiling ilegal na nakapiit sa pagsasangkot sa kanya sa gawa-gawang kaso,” dagdag ni Villanueva.

Si Liwag ang Pangalawang Tagapangulo ng kasama-tk at nakapiit sa kampo ng AFP sa Cavinti, Laguna mula pa noong Oktubre 5, 2010 matapos siyang dakpin sa isang checkpoint kasama ang dalawa pang aktibista at paratangan na mga kasapi ng New People’s Army.

Inihalimbawa rin ng grupo ang pagkasira-ng-bait ni Noel Baes  (17-anyos na kabataan mula sa Batangas) luwal ng pagpapahirap at tortyur matapos itong tumanggi na marekrut bilang isang cafgu.

Sa iba pang balita mula sa lalawigan ng Laguna, mayroon diumanong mga kagawad ng Philippine Army ang nanirahan na sa komunidad ng magsasaka sa Bgy. Canlubang, Calamba City na bahagi ng Hacienda Yulo Estate kung saan ay nililigawan ng mga ito ang mga menor-de-edad na dalaga at nire-rekrut sa samahan ng kabataang ang oryentasyon ay siraan ang mga samahang tulad ng kasama-tk.

Nagbanta ang grupo ni Villanueva na asahan ng kasalukuyang gobyerno ang walang-kaparis na protesta sa nakaraan para ilantad at labanan ang Oplan Bayanihan.

“Hihintayin pa ba nating kabaong ng mga biktima ng pamamaslang ang sunungin ng mga militar at hindi bahay, tahasan itong pagpapalayas at pagsira sa kabuhayan ng magsasaka at hindi simpleng lipat-bahay” pagtatapos ni Villanueva na nakapatungkol sa imahe ng bayanihan sa kanayunan kung saan ang mga tao ay sama-samang bumubuhat ng bahay-kubo. #

please contact Dave Villalon, 09331776829 or email us at kasamatk@kilusangmagbubukid.org

 


Comments


Your comment will be posted after it is approved.


Leave a Reply