Picture
Inihanda ng Bagong Alyansang Makabayan
13 Agosto 2010

Ilang araw bago ang oral arguments sa Korte Suprema kung saan pag-uusapan at pagdesisyunan ang usapin ng Stock Distribution Option (SDO) sa Hacienda Luisita, naghain ng “compromise agreement” ang Hacienda Luisita Inc. (HLI) management para lutasin diumano ang matagal nang sigalot sa hacienda.

Sa ilalim kasi ng SDO, stocks sa halip na lupa ang ipinamahagi sa mga magbubukid. Makakatanggap lamang sila ng dibidendo o kita depende sa dami ng hawak nilang stocks. Ang dami ng stocks ay nakabatay sa dami ng “man-days” o trabahong nagagawa ng isang magbubukid sa isang taon. Sa pagliit ng bilang ng “man-days” ay halos walang nakukuhang benepisyo ang mga magbubukid; isang dahilan ng pagputok ng welga noong 2004.

Taong 2003 nang magsampa ang mga magbubukid ng HLI ng petisyon sa Department of Agrarian Reform (DAR) para ibasura ang SDO. Matapos ang 2004 welga, sa bisa ng pakikibaka ng mga magbubukid at manggagawa, pinawalang bisa ng DAR at ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) ang SDO ng Luisita noong Disyembre 2005. Ibig sabihin ay kailangang tuwirang ipamahagi na ang lupa sa mga magbubukid sa ilaim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Kinuwestyon naman ito ng HLI sa Korte Suprema noong Pebrero 2006 at nakakuha sila ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa PARC noong Hunyo 2006. Matapos ang apat na taon, didinggin na sa wakas ng Korte Suprema ang kasong ito.

Pero bago pa man mangyari ito, lumitaw na ang tinaguriang “compromise agreement”. Pinapipili ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa pagitan ng pananatili bilang stock-holder sa ilalim ng SDO o pamamahagi ng lupa.

Matapos ang “referendum,” karamihan sa mahigit 10,000 magsasaka at manggagawang bukid ang pumili sa pananatili ng SDO. Noong ika-11 ng Agosto ay ipinasa ng HLI management ang nasabing kasunduan sa Korte Suprema upang hilingin na ito na lamang ang pagdesisyunan sa halip na ang ligalidad at kawastuhan ng SDO ng HLI.


Ano ang nilalaman ng Compromise Agreement?

Pinapapili sa compromise agreement ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa pagitan ng lupa o pagpapatuloy ng SDO. Kung lupa ang pipiliin ng mga magsasaka, ipamamahagi ng HLI management ang bahagi ng lupa mula sa 4,201 ektarya ng lupain na nakalaan sa agrikultura. Tinatayang 33% lang nito o 1,300 ha ang nakalaan sa “pamamahagi”. Ang laki ng lupang matatanggap ay batay sa laki ng hawak na shares ng magbubukid. Tinatayang 139 magsasaka pa lamang ang sumuporta dito. Sa kabilang banda, ang pagpili naman ng SDO ay ang pananatili ng dati nang kaayusan sa loob ng Hacienda Luisita: ang “no work, no stock policy,” ang P9.50 neto sa arawang sahod, land-use conversion at iba pang di makatarungang patakaran.

Kalakip ng pagpapapirma sa compromise agreement ay ang pangakong suportang pinansyal na aabot sa P150 milyon. Ayon sa mga magsasaka, nangako ang management na maaari silang makatanggap nang hanggang sa P150,000 kung pipirma sila sa kasunduan. Subalit ayon sa mga ulat, sa unang bahagi ng pamamahagi ng financial assistance package na nagkakahalaga ng P20 milyon, may nakatanggap lamang ng pagitan ng P1 hanggang P500. Ang isang nagtrabaho ng 20 taon sa hacienda ay nakakuha lamang ng P2,000. Sa mga ulat sa media, pinakamalaki nang natangap ang P9,000. Ang laki ng matatanggap na “tulong” ay nakabatay din sa laki ng shares of stock na hawak ng mga magbubukid sa ilalim ng SDO. Ang natitirang P130 milyon ay sinasabing ipapamahagi kapag naaprubahan ng Korte Suprema ang compromise agreement.


Sinu-sino ang mga pumirma sa Compromise Agreement? Nagkaroon ba ng tamang representasyon ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa pagpapatibay nito?

Hindi mga tunay na lider at kinatawan ng mga organisasyon ng magbubukid ang pumirma sa kasunduan: Noel Mallari para sa Alyansa ng mga Mangagagawang Bukid ng Hacienda Luisita (AMBALA); Edilfonso Pingol para sa United Luisita Workers Union (ULWU). Walang otoridad mula sa mga magsasaka at manggagawang bukid ang mga nabanggit upang sila ay irepresenta at makipagkasundo sa Hacienda Luisita management.

Si Mallari, halimbawa, ay hindi kailanman naging tagapangulo ng AMBALA. Siya ay naging pangalawang pangulo noong panahon ni Rene Galang bilang tagapangulo. Tinanggal siya bilang miyembro ng AMBALA dahil sa mga lihim na pakikipag-usap at pakikipagkasundo nya sa Hacienda Luisita management. Muling lumitaw si Mallari matapos ang HLI massacre, bilang presidente ng FARM Luisita. Sa akwtal na petisyon sa Korte Suprema, si Mallari ay kinatawan ng FARM hindi ng AMBALA. Pero lumalabas ngayon na maging ang FARM ay hindi rin sang-ayon sa Compromise Agreement.

Si Felix Nacpil ang kasalukuyang tagapangulo ng AMBALA.

Dating pangalawang pangulo ng ULWU si Pingol, subalit hindi siya binigyan ng basbas ng mga miyembro ng unyon na pumirma sa kasunduan para sa ULWU. Ang tumatayong pangulo sa kasalukuyan ay si Lito Bais. Si Pingol ay matagal nang nakipagsabwatan sa management.


Bakit huwad na kasuduan ang Compromise Agreement?

Mapanlinlang ang compromise agreement na inihain ng HLI management. Naka-disensyo ito para ma-pwersa ang mga magbubukid na piliin ang SDO. Gamit ang mapanlinlang na “financial assitance”, pangako ng empleyo kasama na ang intimidasyon, nakuhang papirmahin ng management ang mayorya ng magbubukid para sa SDO. Iilan lang ang pumili ng pamamahagi ng lupa. Ginamit ng management ang manipulasyon ng kahirapan ng mga magbubukid.

Ang lawak ng lupaing ipapamahagi ay 33% ng lupaing agrikultural, o 1,300 ektarya ng 4,102 ektraya na tinatanman ng tubo. Kakarampot na bahagi lamang ito ng 6,453 ektrarya ng lupa na saklaw ng reporma sa lupa. Kapag pinili ng magsasaka ang lupa, walang katiyakan kung gaano ito kalaki o kung saan ang lokasyon nito.

Ang laki ng lupa na matatanggap ng isang magsasaka ay katumbas ng kanilang hawak na shares of stock. Ang isang magsasakang may limang shares of stock, halimbawa, kung pipiliin ang lupa, ay baka tumanggap lamang ng lupa sa paso.

Nalantad din ang kahungkagan ng tinatawag ng “financial assistance” nang makatanggap ng kakarampot na “tulong” ang karamihan sa mga pumirma sa huwad na kasunduan.

Ang pananatili ng SDO ay nangangahulugan ng pananatili ng mga di makatarungang pagtrato sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita.

Ipinapatupad sa ilalim ng SDO ang “No work, no stock!,” na nangangahulugan na ang shares of stock na matatanggap ng isang manggagawang bukid ang naaayon sa bilang ng araw ng kanyang pagtatabaho o ang tinatawag na “man days”. Ang magtatakda ng man days ay ang HLI Management. Sa kasalukuyan, kadalasang tatlong araw lamang kada linggo ang binibigay na trabaho sa karamihan sa mga nasa hacienda. Ang mga manggagawang bukid na umalis o tinanggal sa trabaho ay hindi na makakatanggap pa ng shares of stock. May mga seasonal na manggagawang bukid naman na binigyan ng tig-isang stock para lamang matawag silang stockholder bagama’t walang kwenta ang hawak nilang stock.

Ayon sa mga tala, mahigit piso lamang ang halaga ng bawat isang stock.

Labag din sa batas ang land-use conversion na ginagawa ngayon sa malaking bahagi ng lupain ng Hacienda Luisita. Maging sa ilalim huwad na CARP, ang mga lupa na nasa ilalim ng repormang agraryo ay maaari lamang gamitin para sa agrikultura. Tinatayang daang ektraya ng lupain ng hacienda ang pinaplanong i-convert para sa residential, commercial at industrial na gamit.

Mapanlinlang at mapagsamantala din ang ilan sa mga probisyon ng compromise agreement, kabilang ang waiver sa mga kasong isinampa laban sa HLI management sa paglabag nito sa 1989 SDO. Nakasulat din sa kasunduan na hindi na maaring maghabol o makapagsasampa ng kaso ang mga magsasaka maging sa maaaring paglabag ng HLI management sa kasunduan sa hinaharap.

Hindi na rin maaaring habulin ang mga lupaing napasailalim sa land use conversion, katulad ng 500 ektarya ng lupa ng RCBC na ibinenta sa halagang P750 milyon subalit hindi nabahagian ang mga magsasaka.

Sa ilalim din ng kasunduan ay may “right of first refusal” o ang karapatang magdesisyon ng HLI management para sa mga magsasaka kaugnay ng mga transaksyon papasukan nito. Kung magdesisyon ang magbubukid na ibenta sa lupa, ang HLI ang unang may karapatan sa pagbili nito. Maaaring humantong ito sa rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng HLI management.

Maliban sa hindi pagiging patas at mapanlinlang ng compromise agreement, gumamit ang HLI ng malawakang militarisasyon para sagkaan ang pagkilos ng mga magbubukid at takutin sila para pumirma.


Ano ang magiging epekto ng compromise agreement sa gaganaping oral arguments sa Agosto 18?

Dinisenyo ang compromise agreement upang sapilitang panigan ng mga magsasaka ang SDO. Sinasamantala nito ang naghihikahos na kalagayan ng mga magsasaka para pangunahan ang magiging desisyon ng Korte Suprema ukol sa ligalidad ng SDO at pigilan ang nararapat na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka.

Noong Disyembre 2006, naglabas ng desisyon ang Presidential Agrarian Reform Council na nagbabasura a SDO ng HLI matapos nitong makita na hindi sumunod sa batas ang Hacienda Luisita management sa pagpapatupad ng CARP at bagkus ay lumabag pa sa maraming probisyon nito, na naging sanhi na labis na paglala ng hirap nang kalagayan ng mga magsasaka.

Sa kabila ng higit dalawang dekadang pagpapatupad ng SDO, hindi pa rin nagagarantiyahan ang tatlong porsyentong bahagi ng magsasaka sa kita sa produksyon (gross sales from the production) kada taon ng hacienda, at ang profit share na katumabas sa 10% ng net profit after tax na mga benepisyo ng mga magsasaka bilang stockholders. Hindi rin binibigay ang mga dibidendo mula sa kita ng Hacienda Luisita Inc., na dapat ibigay sa mga magsasakang may hawak ng stocks.

Suportahan ang magsasaka ng Hacienda Luisita! Ibasura ang Compromise Agreement!

Kung kikilalanin ng Korte Suprema ang kasunduan, mababalewala ang desisyon ng Department of Agrarian Reform at ng Presidential Agrarian Reform Council na sumasang-ayon na ipamahagi ang 6,453 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka. Gagawin din nitong legal ang SDO bilang iskema ng repormang agraryo, sa kabila pagiging maanomalya at hindi makatarungan nito.

Magpapatuloy rin ang mga pagsasamantala na naranasan ng mga magsasaka at manggagawang bukid tulad ng mababang sahod na umaabot lamang sa P9.50 kada araw na siyang naging dahilan ng malawakang protesta noong 2004, na nauwi sa pagkamatay ng pitong tao sa tinaguriang Hacienda Luisita massacre.

Tuluyan na nitong hahadlangan ang adhikain para sa tunay na reporma sa lupa, hindi lamang ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita kundi maging sa 11 iba pang lupain na nasasailalim sa SDO sa buong bansa.

Malaking hamon at pagsubok sa bagong gobyernong Aquino ang isyu na ito dahil ang HLI ang simbolo ng kabiguan ng reporma sa lupa sa bansa. Una nang nakalusot nag HLI sa repormang agraryo noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino. Nanganganib na makalusot muli ito sa ilalim ng rehimen ni Benigno Simeon Aquino III. Ang kanyang kawalan ng positibong aksyon sa isyu, lalo’t mga kamag-anak nya ang sangkot, ay pumapabor sa mga galaw ng HLI management.

Ang ugat ng sigalot sa Luisita ay ang monopolyo sa lupa ng pamilya Conjuangco-Aquino. Anumang bihis ang gawin ng management, tulad ng SDO, ito pa rin monopolyo sa lupa at pyudal na pagsasamantala.

Suportahan natin ang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita. Ipanawagan natin ang mga sumusunod mula sa Korte Suprema at sa rehimeng Aquino:

Ibasura ang Compromise Agreement!

Ibasura ang Stock Distribution Option!

Ipamahagi sa magsasaka ang lupa ng Hacienda Luisita!

Itigil ang militarisasyon sa Hacienda Luisita!

Hustisya para sa magsasaka ng Hacienda Luisita!

Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!

gabay_sa_pagtalakay_ng_hli_compromise_agreement_at_time-line_ng_luisita_dispute.pdf
File Size: 106 kb
File Type: pdf
Download File


Your comment will be posted after it is approved.


Leave a Reply.